Kathang Isip (at dahil Independence Day)
10 June 2009 by caeruleus
Inakala ko na ang bilasang hangin at madingas na init ng Maynila ay makakatulong para makalimot at humilom ng sugat ng isang pusong pagal at lupaypay. Mali ako, panandaliang nakalimot, ngunit ang hindi ko napaghandaan ay ang pagbabalik ko sa aking pinagmulan, kung saan bahagi ka pa rin ng aking mga gabi’t araw.
Mapaglaro nga talaga ang tadhana. Walang habag at hinayaan niyang mag-krus ang ating mga landas. Bagay na minsan ang hirap ipakahulugan. Gusto ko man bigyan ng liwanag ngunit wala paring kabuluhan; walang dahilan, at kung meron man, nasa kapararakan ng iisang tao lamang. Minsan pakiramdam ko ay para akong isang batang ginutom at walang awang pinatikim ng isang butil ng kanin – hindi na lang sana, dahil ang gutom ay lalo pang lumubha. Napakasama at hindi na nahabag. Gusto mong tanungin ano nga ba talaga tayo? Ano nga ba talaga ito?
Napagtanto ko na minsan ang pagiging magiliw at mabait ay katumbas din ng pagiging mabagsik at nakakasakit. Mas maiigi pa siguro na aminin ang katotohanan sa taong umaasa; dahil habang pinapatagal ay lalo lang tayong nakapipinsala- mas malalim ang sugat na ating iniiwan.
Maynila, parang hindi ko na rin bayan. Nalimutan na rin niya ako, tulad na rin siguro ng paglimot ko sa kanya. Ang santwaryo at mga sagot na aking hinanap ay hindi ko nadama at nakita. O baka naman ang katahimikan na alay niya ay siya ring pagturo niya sa akin sa tamang landas - ang masakit na landas na dapat ko nang tahakin at harapin.
Ilang gabi rin akong naawa sa sarili ko. Naging kuntento na lang sa pananaw na bagamat hindi nga akin ang puso mo, nakahiga ka naman sa tabi ko.Ilang buwan din bago ko napagtanto na mas kaawa-awa ka pala. Dahil kung hindi mo man kayang tanggapin ako sa puso mo, hindi mo rin kailanman mararanasan kung ano ang ibig sabihin ng tunay na pagsakripisyo at pagmamahal na walang pasubali. Ikaw ang nawalan at hindi ako.
Tutuldukan ko na, at sisimulan ko nang pulutin ang tagni-tagning puso ko, matatagalan kaya sisimulan ko na ngayon.
(kathang isip)
Leave a Reply
You must be logged in to post a comment.